26-anyos na lalaki sa Roxas Isabela, nagbigti-patay

Patay ang isang lalaki sa Brgy. Lanting Roxas, Isabela matapos magbigti sa mismong kwarto nito noong Linggo, May 30, 2021.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PMaj. Rassel Tuliao, ang hepe ng PNP Roxas, kinilala ang nagpakamatay na si Norberto Maramag, 26 anyos, may asawa isang bagger na residente sa nasabing barangay.

Aniya, nakatanggap umano ng tawag ang kanilang himpilan mula kay Barangay Capt. Mark Rubio na may nagpakamatay sa kanilang lugar.

Nagtungo ang kapulisan sa pinangyarihan ng insidente upang beripikahin at dito nakita sa kanyang kwarto si Maramag nakabigti gamit ang isang tali.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng PNP Roxas, isang linggo bago ang insidente ay nagkaroon umano ng pag-aaway si Maramag at ang kaniyang asawa sa hindi pa malamang dahilan na nagresulta upang umalis ang asawa at anak nito sa kanilang tahanan.

Napapadalas din umano ang paglalasing niya kung saan nagagawa pa nitong saktan ang kaniyang mga magulang habang nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin.

Dagdag pa ni PMaj. Tuliao, bago mangyari ang insidente ay nagawa pa umanong magtext ni Maramag sa kaniyang ina na magpapakamatay na lamang siya.

Sa ngayon ay nakaburol na ang labi ng naturang bagger sa kanilang tahanan. Habang hinihintay pa ng PNP Roxas ang resulta ng post mortem examination nito at tiniyak na wala umanong nakikitang foul play sa pagkamatay ni Maramag.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *