3 carnappers kabilang na 2 menor de edad, arestado sa Cagayan

Arestado ang tatlong kalalakihan kabilang na ang dalawang menor de edad na umano’y mga carnapper matapos marekober sa kanila ang tinangay na motorsiklo sa Brgy. Centro, Abulug, Cagayan.

Ang mga suspek ay itinago sa pangalang Kiko at Christopher na kapwa 17-anyos, mga estudyante na residente sa nabanggit na lugar at si Loreto, laborer, 19-anyos na residente naman ng Cabaritan East, Ballesteros, Cagayan.

Ayon sa Abulug Police Station, nagtungo umano sa kanilang himpilan noong umaga ng July 11 ang isang nagngangalang Marvin Borja para ireport ang tatlong kalalakihan na tumangay sa kaniyang motorsiklo na nakaparada sa Libertad, Abulug, Cagayan.

Agad namang nagsagawa ng manhunt operation ang PNP Abulug at Cagayan Provincial Intelligence Unit.

Nakita ang mga suspek sa isang waiting shed sa Brgy. Alinunu subalit nang mapansin ang mga kapulisan ay agad na tumakas ang mga ito sakay ang isang motorsiklo at iniwan ang dalawang motorsiklo na ang isa ay wala ng gulong.

Hinabol ng kapulisan ang mga suspek hanggang sa makorner sa Brgy. Centro at kinumpirma ni Borja na sa kaniya ang ginamit na motorsiklo dahilan ng agarang pagkaaresto ng tatlo.

Nakumpiska kay alyas Kiko ang isang pakete na naglalaman ng hinihinalang marijuana, improvised cal. 5.56 na baril na may isang bala at isang unit ng cellphone habang nakuha naman kay Loreto ang isang piraso ng pakete na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu at cellphone.

Nakuha rin ng mga operatiba ang 2 mags wheel, 2 back fender flaring, iba’t-ibang motorcycle parts at kinahoy na motorsiklo.

Mahaharap sa kasong paglabag sa RA 10883, RA 9165 at RA 10591 ang mga naaresto na nasa kustodiya na ng Abulug-PNP.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *