3 NPA patay, 16 HPFAs nasamsam sa engkwentro sa Masbate

SORSOGON CITY – Ang tropa mula sa 9th Infantry Division ng Phil Army katuwang ang PNP Regional Office 5 ang nakasagupa sa grupo ng tinatayang 30 rebeldeng New People’s Army (NPA) bandang alas 5:30 ng umaga kanina, sa Brgy Anas sa lungsod ng Masbate.

Sa nasabing sagupaan na umabot sa 15 minuto, tatlong NPA ang naitalang napatay habang narekober ng tropa ng pamahalaan ang 16 na high powered firearms sa encounter site.

Kinabibilangan ito ng 14 na M16 rifle, isang M14 at isang M653.

Batay sa ulat, unang narekober ng operating team ang tatlong M16 rifle at isang M14 matapos ang bakbakan at makaraan ang dalawang oras, habang nagsasagawa ng clearing operations ang tropa ay narekober nila sa isang kubo, sa hangganan na ng Brgy Anas at Brgy Bolo ang iba pang armas. Pinaniniwalaang naiwan ito ng mga rebelde sa pagmamadali ng pagtakas.

Ang engkwentro ay resulta ng ikinasang malawakan at walang humpay na pagtugis sa mga rebeldeng grupo na responsable sa pagpapasabog ng bomba noong Linggo sa lungsod ng Masbate na ikinasawi ng kilalang FEU football player na si Keith Absalon at pinsan nito.

Nagpapatuloy pa rin ang pagtugis sa mga nakatakas na rebelde.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *