3 suspek sa Robbery-Hold-up sa Masbate, nasakote sa ‘dragnet ops’ ng mga pulis

Nadakip agad ng mga awtoridad ang tatlong suspek sa robbery/hold-up sa bayan ng Mandaon, Masbate matapos ang isinagawang ‘dragnet operations’ na umabot hanggang bayan ng Aroroy.

Sa ulat na nakalap ng Brigada News Sorsogon, agad na naaresto ang mga suspek na sina Rubel Cortes Francisco, 43-anyos, may asawa at residente ng Brgy Puro, Aroroy at Rico Drio Mirasol, 37-anyos, binata, habal-habal driver at naninirahan sa Brgy Ambolong, Aroroy. Ang mga ito ay nakuhanan ng kalibre 45 na pistola na kargado ng apat na bala at cash na nagkakahalaga ng P7K.

Habang nahuli sa ikinasang checkpoint sa Brgy Puro, Aroroy ang isa pang suspek na si Gener Esquilona Esparza, 26-anyos, binata. Nakumpiska sa posesyon nito ang 7 bala para sa kalibre 45 na pistola.

Kinilala naman ang mga biktima na sina Lito Fuentes Cos, 33-anyos, mangangalakal ng baboy at dalawang kasama nito na sina Percival Dela pena, 42-anyos at Antonio Vargas Martinez kapwa laborer.

Batay sa ulat ng Mandaon Poilce, ang mga biktima ay lulan ng tricycle at binabaybay ang bayan ng Mandaon papunta sana ng bayan ng Balud upang mamili ng baboy subalit pagdating sa Brgy Ayat ng nasabing bayan ay tinambangan ang mga ito ng mga suspek na armado ng baril at nagdeklara ng hold-up.

Agad na hinablot ng isang suspek ang sling bag ni Cos na may lamang P68K at mga IDs, saka tumakas sa hindi malamang lugar.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *