4 na lalawigan sa Bicol, kasama sa popondohan ng World Bank para sa isang nutritional project

LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng National Nutrition Council (NNC) Bicol na apat na mga lalawigan sa rehiyon ang kasama sa mga popondohan ng World Bank para sa isang multi-sectoral nutrition project.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay NNC Bicol Regional Director Arlene Reario, tinukoy nito na ang mga lalawigang kasama ay ang Camarines Sur, Masbate, Sorsogon at Catanduanes na kabilang sa may mararaming populasyon ng mga bansot o stunted na mga bata.

Pinagbasehan umano kasi sa pagpili ng mga lalawigan na mapapasama sa proyekto ang isang pag-aaral ng World Bank patungkol sa nutrition situation noong 2018 kung saan lumabas na ang nabanggit na mga lalawigan ay mayroong mga munisipyo na may mataas na stunting.

Ayon kay Reario, ang apat na ito ay kasama rin sa mga prayoridad na mga lalawigan ng Philippine Plan of Action for Nutrition para sa taong 2023 hanggang 2028.

Aniya, nasa kabuuang bilang na 60 mga lokal na gobyerno sa rehiyon ang kabilang sa popondohan mula sa 235 mga LGUs sa buong bansa na susuportahan ng World Bank.

Samantala, ani Reario, ito na ang kauna-unahang malaking proyekto ng World Bank na may kinalaman sa nutrisyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *