4 na pagkasawi, 99 na bagong kaso at 86 recoveries sa COVID-19 naitala ngayong araw sa Bicol; kabuuang kaso pumalo na sa higit 7.6K

BICOL—Pumalo na sa kabuuang 7,617 ang kaso ng COVID-19 sa Bicol region matapos madagdagan ng 99 na bagong kaso ngayong araw.

1,829 (24.01%) nito ang aktibong kaso, 279 (3.66%) ang mga nasawi habang 5,509 (72.33%) na ang mga gumaling.

Nagtala ng pinakamataas na kaso ang Camarines Sur na mayroong 36 na kaso kung saan sampo nito ay mula sa Naga City, lima sa bayan ng Pili, apat sa Iriga City, tigdadalawa ang mga bayan ng Baao, Canaman, Cabusao, Garchitorena at Libmanan at tig-iisa naman ang mga bayan ng Buhi, Calabanga, Camaligan, Caramoan, Nabua, Sagñay at San Fernando.

32 bagong kaso ang naitala sa Albay kung saan 18 nito ay mula sa lungsod ng Legazpi, lima sa bayan ng Daraga, apat sa Tabaco City, dalawa sa bayan ng Oas at tig-iisa ang mga bayan ng Guinobatan, Libon at Polangui.

Nagtala ng 23 kaso ang lalawigan ng Sorsogon kung saan 13 nito ay mula sa lungsod ng Sorsogon, tigdadalawa ang mga bayan ng Bulan, Bulusan, Matnog at Pilar at tig-isa naman ang bayan ng Castilla at Prieto Diaz.

Anim na bagong kaso ang naitala sa Catanduanes kung saan apat nito ay mula sa bayan ng Bagamanoc at isa sa bayan ng San Andres at Virac. Isang kaso naman ang nadagdag sa Camarines Norte na mula sa bayan ng Daet at isa rin ang nagpositibo na mula sa labas ng Bicol na naitala sa bayan ng Rizal. Apat na pagkasawi naman ang nadagdag ngayong araw na mula sa lalawigan ng Sorsogon.

Samantala, 86 na bagong recoveries naman ang naitala ngayong araw kung saan pinakamarami nito ay mula sa Camarines Sur na mayroong 73, sinundan ng Sorsogon na mayroong walo at lungsod ng Legazpi na mayroong lima.

Kaugnay nito ay patuloy pa rin ang paalala ng Department of Health (DOH) Bicol sa publiko na sundin ang BIDA Solusyon sa COVID-19 para sa Serbisyong Salud Bikolnon.

B-Bawal ang walang Mask; I-Isanitize ang mga kamay. Iwas-hawak sa mga bagay-bagay; D-Dumistansya ng isang metro at A-Alamin ang totoong impormasyon.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *