4 patay sa salpukan ng truck at kotse sa Nasugbu, Batangas

Patay ang tatlong magkakamag-anak gayundin ang isang driver matapos na salpukin ng 12 wheeler truck ang kotse sa Sitio Bukaki, Brgy Aga, Nasugbu, Batangas kahapon ng madaling araw.

Kinilala ng Nasugbu Municipal Police Station ang mga magkamag-anak na sina Roland Adrias, 48 anyos; Rochelle Adrias Dimaano, 46 anyos, at Rachelle Anne Dimaano, 23 anyos na kapwa residente ng Luntal, Tuy, Batangas.

Binawin rin ng buhay ang driver ng truck na Hilario Condez, 49 anyos at residente ng Valenzuela City habang sugatan naman ang pahinante na si Rolando Recto Jr, 36 anyos at residente ng Kamuning St, Amparo Subd., Caloocan City.

Ayon sa naging imbestigasyon ng mga awtoridad, alas-3 ng madaling araw kahapon habang binabagtas ng mga biktima ang national road sa Tuy, Batangas patungong Maynila sakay sa kotseng Mazda nang mabangga ng kasalubong na truck na may kargang mga uling.

Patungo umano ng Lian, Batangas ang 12 wheeler truck mula Bulacan ng magkaroon ng aberya sa kanyang preno.

Dahil dito ay nasabitan ng truck ang isang sasakyan sa daang bahagi ng Brgy Aga.  

Nagpatuloy itong tumakbo ng mahigit 5 kilometro at pagdating sa kurbadang bahagi ng Bukaki sa naturang barangay ay nawalan ito ng kontrol sa manubela na naging dahilan para mabangga at makaladkad ang kotseng sinasakyan ng mga biktima.

Ayon sa naging panayam ng Brigada News FM Batangas kay PSSg Wilson T Mendoza, nagtamo umano ang mga biktima ng matinding pinsala sa katawan na naging dahilan ng pagkamatay ng mga ito habang ang driver naman ng truck ay binawian rin ng buhay matapos na makita na nasa ilalim ng truck.

Samantala, nagkaroon naman ng fracture sa kanang binti ang pahinante ng truck at nagpapagaling na sa Apacible Memorial District Hospital.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang aksidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *