4M, maia-angat umano kapag naisabatas ang 150-peso legislated wage hike

Naniniwala ang Trade Union Congress of the Philippines o TUCP na apat na milyong Pilipino ang makaaangat sa “poverty threshold” o halaga ng kita na maaaring makatugon sa pangangailangan kapag tinaasan ng 150 pesos ang minimum wage sa buong bansa.

Sa pagdinig ng House Committee on Labor and Employment ukol sa mga panukala na magtataas sa sahod ng mga manggagawa, sinabi ni House Deputy Speaker at TUCP Representative Raymond Mendoza na simula taong 1989 ay barya-barya lang ang ipinatutupad na umento sa sahod ng regional wage boards.

Ni hindi aniya kayang makatugon sa problema ng “stunting” o pagkabansot ng mga bata ang kasalukuyang poverty wages.

Ipinaliwanag din ni TUCP Legislative Officer Carlos Miguel Onate na sa kanilang pag-aaral ay may mga pagkakataon mula 1989 hanggang 2022 na bumaba pa ang inflation at unemployment rate matapos magpatupad ng dagdag-sweldo.

Bagama’t suportado ng Department of Labor and Employment ang intensyon ng mga panukala, iginiit ni Assistant Secretary Leonard Serrano na mas tinitingnan nila ang continuity at stability ng trabaho at batay sa pagtaya ay tataas umano ang labor cost kapag ipinilit ang taas-sahod.

Ibinida naman ng National Wages and Productivity Commission na mayorya ng minimum wage rates sa bansa ay “above poverty threshold” na.

Gayunman, may mga rehiyon pa na tinutugunan ang “gaps” na aabot sa tatlong piso hanggang 49 pesos na mas mababa sa threshold at ito ay kinabibilangan ng Ilocos Region, Central Luzon, CALABARZON, Central Visayas at Zamboanga Peninsula.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *