4P’s beneficiaries hindi kailangang pilitin na magpabakuna kapalit ng ayuda- DSWD

CAMARINES NORTE- Naniniwala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi na kailangang pilitin ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4P’s na magpabakuna kapalit ng ayuda.

Kasunod yan ng mungkahi mismo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na gawing kondisyon sa pagtanggap ng ayuda para sa mga benepisyaryo ng 4P’s ang pagpapabakuna kontra COVID- 19 lalo na ngayong marami pa rin ang nag- aalinlangang magpaturok.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Pantawid Provincial Link Claudio Villareal na base umano sa ginawang survey ng kanilang National Program Management Office, walumpung porsiento sa mga 4p’s beneficiaries ay payag na magpabakuna.

Aniya, maliit lamang na porsiento dito sa lalawigan ng Camarines Norte ang nag- aalinlangang magpabakuna at kayang- kaya na umanong mahikayat nang hindi na kailangang pilitin.

“Kung titingnan doon sa survey na ginawa ng National Program Management Office malaking porsiento na yung 80 % kumpara mo sa bente porsiento na kung saan pwede namang mabigyan ng proper intervention kagaya ng family development session, yung tamang pagpapaintindi sa ating mga kababayan sa ating mga beneficiary sa kahalagahan ng bakuna laban sa COVID,” ani Villareal.

Kailangan din umanong amyendahan ang batas kung idadagdag na kondisyon ang COVID- 19 vaccine kapalit ng ayuda.

Ang mga kasalukuyang kondisyon sa ilalim ng programa ay dapat na nag-aaral ang mga anak ng mga benepisaryo, sila rin ay naga-avail ng health services at dumadalo sa buwanang family development session.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *