5 airport police na umano’y nangongotong sa NAIA, sinampahan na ng reklamo

Sinampahan na ng reklamo ng Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group ang limang miyembro ng airport police department dahil sa reklamong umano’y pangongotong sa isang Chinese National na naghahatid lamang ng isang kaibigan sa NAIA Terminal 3.

Ayon kay Lt. Col. Alfred Lim, hepe ng PNP-Aviation Security, reklamong robbery extortion ang kanilang inihain sa Pasay Prosecutor’s Office matapos makunan ng salaysay ang biktima.

Batay sa police report, biglaang sinita at nilapitan ang Chinese National ng limang tauhan ng airport police.

Hinanapan ito ng pasaporte at dahil hindi siya ang babiyahe kundi naghatid lang ng kaibigan na kapwa Chinese rin ay ipinakita nito ang kopya ng passport mula sa cellphone.

Sa kabila nito, dinala ang biktima sa ika-apat na palapag ng terminal 3 at gumamit ng translator application ang limang security upang sabihan na makukulong kung hindi magbibigay ng P15K para palayain.

Napilitang magbigay ang Chinese National ng P15K dala ng takot at pagkatapos nito humingi ng saklolo sa pulisya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *