5 store owners na binigyan ng notice of violation ng dti-isabela, napatawan na ng penalty matapos sampahan ng kasong administratibo

Napatawan na ng penalty ang 5 nagmamay-ari ng tindahan ng mga home appliances at electrical devices sa Isabela matapos sampahan ng Department of Trade and Industry-Isabela ng kasong administratibo.

Ito ang kinumpirma ni DTI-Isabela Provincial Director Winston Singun sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan.

Aniya, sinampahan ng kanilang ahensya ng kasong administratibo ang 4 rito na unang nabigyan ng notice of violation matapos makitaan na hindi sertipikado ang mga ibinebentang appliances habang ang isang store naman ay lumabag sa Price Tag Law.

Magugunita na ayon sa isinagawang inspeksiyon ng DTI-Isabela enforcement team, nagbebenta ang mga ito ng produktong walang Philippine Standard Mark o Import Commodity Clearance (ICC) stickers na malinaw na paglabag sa batas sa ilalim ng Philippine National Standard.

Ayon pa kay Dir. Singun, matapos ang pamimigay ng kanilang notice of violation ay nagsampa ng kasong administratibo ang kanilang opisina kung saan ipinasa ito sa Adjudication officer ng DTI-Regional Office.

Kaugnay dito, nakasaad sa charges ang maaring penalty na kaharapin na  kinabibilangan ng ceased and desist order na itigil ang operasyon.

Maari rin silang pumirma ng kompromiso na hindi na magbebenta ng mga hindi sertipikadong produkto at i-surrender ang kanilang imbentaryo at maaring magmulta ng 25,000 pataas base sa mitigating circumstances.

Bilang resulta umano ng kanilang hearing noong June 15,2021 ay napatawan na ang mga ito ng penalty at mayroon ng kompromisong pinirmahan.

Samantala, ang mga produktong nakumpiska mula sa kanila ay kasalukuyan nang nakaimbak sa opisina ng DTI-Isabela kung saan ang mga naiwan sa kanilang tindahan ay sinelyuhan na lamang.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *