51 barangays sa So.Cot, hindi pa drug-cleared

KORONADAL CITY- LIMAMPU’T isa sa 199 na mga barangays sa lalawigan ng South Cotabato ang nananatiling apektado ng ilegal na droga.

Ito ang inihayag ni Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA 12 Information Officer Katryn Gaye Abad batay sa datos ng kanilang drug clearing program.

Dalawampu’t isa sa mga drug affected barangays ay nasa bayan ng Banga, walo sa Sto.Nino, pito sa Polomolok, anim sa Koronadal City, lima sa Lake Sebu, tatlo sa Tampakan at isa sa T’Boli.

Napag-alaman na sa 11 mga munisipyo at lungsod, apat pa lang ang naideklarang drug-cleared ng PDEA, ang Surallah, Tupi, Tantangan at Norala.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang orientation at re-orientation ng PDEA 12 sa mga barangay officials at ang submission ng kanilang folders para sa validation at certification upang madeklarang drug cleared.

Inihayag naman ni Abad na posibleng makasauhan ang mga barangay officials na nagpapabaya at walang ginagawa upang malinis ang kanilang lugar laban sa illegal drugs.

Samantala, walong barangay naman ang unaffected ng ilegal na droga na kinabibilangan ng Barangay Assumpcion sa Koronadal City; Danlag, Halinan, Hanoon at Klubi sa Lake Sebu; at mga barangay ng Afus, Mongokayo at T’Bolok sa bayan ng T’Boli.

Ngunit ayon kay Abad na hindi ibig sabihin nito ay magkampante na ang mga barangay officials dahil kailangan pa rin ng mga itong gumawa ng mga hakbang upang mapanatiling ligtas sa ilegal na droga ang kanilang lugar.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *