9 na kabahayan sa Isabela, napinsala dahil sa landslide, 31 na katao, inilikas

Inilikas ang nasa siyam na pamilya o 31 na indibidwal matapos maapektuhan ng pagguho ng lupa sa Sitio Barikir, Yeban Norte, Benito Soliven, Isabela ngayong araw, June 9, 2021.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay May Florence Abu, ang OIC Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer (MDRRMO) ng Benito Soliven, bandang alas-2 ng madaling araw nang makatangggap sila ng tawag mula sa Brgy. Kapitan kaugnay sa pagguho ng lupa sa nasabing lugar.

Agad namang inilikas ang mga apektadong residente sa temporary shelter at evacuation center ng mga otoridad habang nasa 9 na kabayahan ang tuluyang napinsala. Ayon kay MDRRMO Abu, bandang alas-12 palang ng hatinggabi ay napansin na umano ng mga residente ang tila pagguho ng lupa at gradual ang nangyaring landslide kaya’t mapalad namang walang nasugatan o nasawi.

Sinabi nito na dati na umanong natukoy na landslide prone area ang naturang lugar na binabantayan ng MDRRMO dahil sa mayroong bukal ng tubig doon na dahilan ng malambot na lupa.

Wala namang natabunang kabayahan aniya kundi tumaas ang lebel ng lupa na kinatitirikan ng mga bahay.

Ipinunto pa ni MDRRMO Abu, na sa katunayan ay mayroon nang inilaang lupa ang LGU para sa resettlement sana ng mga residente kung saan ito ang kanilang pag-uusapan mamayang hapon.

Handa na rin aniya ang mga relief goods na ipamamahagi ng MSWD para sa mga inilikas na pamilya habang nagpapatuloy ang paglikas ng iba pang mga residente.

Nagpapatuloy din aniya ang isinasagawang road clearing sa mga natabunan ng gumuhong lupa.

Samantala, ayon naman kay PMaj. Krismar Angelo Casilana, kinordon na nila ang lugar at pinag-iingat ang mga residente na babalik sa kanilang bahay para kunin ang ilan pa nilang gamit o alagang hayop.

Tiniyak din nito ang pagbibigay ng seguridad sa mga kababayan nilang naapektuhan ng pagguho ng lupa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *