Alegasyon ni Quiboloy na sabwatan ng gobyerno at Amerika, target lang iligaw ang publiko

Mariing pinabulaanan ni House Speaker Martin Romualdez ang mga paratang ng founder ng Kingdom of Jesus Christ na si Pastor Apollo Quiboloy na nakikipagsabwatan ang gobyerno ng Pilipinas sa foreign authorities.

Sa isang audio statement ay isiniwalat ni Quiboloy na may banta umano sa kanyang buhay at nakikipagtulungan ang administrasyon Pangulong Bongbong Marcos sa Estados Unidos.

Partikular na riyan ang posibilidad na ipa-kidnap o ipapatay umano siya sa tulong ng Central Intelligence Agency, Federal Bureau of Investigation, US Embassy at State Department.

Pinasinungalingan ito ni Romualdez at iginiit na walang basehan ang mga pahayag ni Quiboloy na marahil ay ginagamit lamang umano para mailihis ang atensyon sa mga kinahaharap na mga reklamo.

Binigyang-diin ng House leader na umaaksyon ang pamahalaan sa pangunguna ni Pangulong Marcos salig sa ipinagkaloob na kapangyarihan ng Konstitusyon.

Kinikilala rin aniya nila ang rule of law at pagtiyak sa kaligtasan at seguridad ng lahat ng indibidwal .

Kasabay nito, pinayuhan ni Romualdez ang pastor na harapin na lamang ang mga reklamo laban sa kanya at nagpaalala sa publiko na maging maingat sa pagtanggap ng mga impormasyon at manalig sa proseso at justice system ng bansa.

Idinagdag pa nito na bilang public servants ay hindi sila magpapatinag sa mga walang basehang akusasyon at patuloy na isusulong ang transparency, integridad at kapakanan ng bansa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *