Alokasyon mula sa pondo ng Malampaya para sa Palawan, inihirit ng Board Members

Ninanais ngayon ng Provincial Board Members na makakuha ng alokasyon mula sa pondong nalikom ng operasyon ng Malampaya-Camago Oil Field sa pamamagitan ng Kongreso.

Ito ay sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema noong taong 2018 at 2020 kung saan isinasaad na lubos nang ipinawalang bisa ang rightful share ng lalawigan sa kita o pondo nito.

Sa privilege speech ni Board Member Ryan D. Maminta noong Martes, iginiit nito na may magagawa pa upang magkaroon ng alokasyon ang lalawigan sa pondo.

Sa bahagi ng desisyon ng korte sa inihain noong taong 2020 na Motion for Reconsideration ay may nakasaad aniya na may paraan pa upang makahingi ng assistance sa gobyerno para sa inaasam na alokasyon.

“Doon sa desisyon ng Motion for reconsideration noong January 21, 2022 ay mayroong kataga na nakasulat na isinulat ng Korte Suprema na maaaring magbukas ng paraan para sa lalawigan ng Palawan na makahingi at makakuha ng assistance mula sa pamahalaang nasyonal para po dito sa naipong pondo ng Malampaya Operation” pahayag sa sesyon ni BM Maminta

Sa tulong aniya ng tatlong kinatawan sa Kongreso ay magiging malaki ang pakinabang nito sa lalawigan ng Palawan pagdating sa mga development project sa mga susunod na taon.

“ Ibig sabihin , mayroong bukas na pinto o bintana para sa lalawigan ng Palawan sa pamamagitan ng Kongreso na mabigan ng allotment mula sa Malampaya gas proceeds.” ani BM Maminta

Kaugnay nito, nais ni Board Member Maminta na susugan ng tatlong kongresista sa lalawigan ang desisyon ng Korte Suprema sa inihaing mosyon noon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *