Apat na lalake huli sa tupada sa bayan ng Mercedes

CAMARINES NORTE- Inaresto ng mga pulis ang apat na kalalakihan dahil sa iligal na sabong o tupada, Miyerkules ng hapon sa Purok 5, Barangay Gaboc, Mercedes, Camarines Norte.

Nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na pwersa ng Mercedes MPS at Camarines Norte Provincial Intelligence Branch na nagresulta sa pagkaka- aresto sa apat na ang tatlo ay nagmula pa sa ibang bayan na dumayo lang sa lugar upang magtupada.

Ang mga naaresto ay nakilalang sina Francis Encinas y Avellana 48, feeds technician na taga Barangay Laniton, San Lorenzo Ruiz, Allan Abletia y Vasquez 46, taga Barangay Hinampacan, Ronnie Agway y Molina 48 ng Barangay Mandazo parehong sa bayan ng Basud at Jesus Barcia y Orindain 50, mangingisda na taga Barangay Mambungalon, Mercedes.

Nakumpiska sa kanila ang walong panabong na manok, tari at bet money.

Dati nang nagbabala ang Department of Health (DOH) na isa ang sabong sa mga nagiging dahilan ng pagkalat ng sakit na COVID- 19.

Sa kabila nito, tila ayaw paawat ng ilan dahil kahit  paulit- ulit na ang pagpapaalala ng mga kinauukulan ay tila balewala pa rin.

Sa katunayan may ilang “unconfirmed” reports na sa malalayong barangay na hindi gaanong naabot ng mga awtoridad ay nagsasagawa pa rin ng tupada tuwing piyesta at kahit sa lamay sa patay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *