Apolinario bagong IBF World champ matapos ang 1st round KO win vs Buthelezi

May panibagong world boxing champion ulit ang Pilipinas!

Ito ay matapos pabagsakin ni Dave Apolinario si Gideon Buthelezi ng South Africa para masungkit ang IBO World flyweight title noong Biyernes ng gabi (Sabado sa Pilipinas) sa International Convention Center sa South Africa.

Pinatumba ng tubong Maasin, Sarangani si Buthelezi sa pamamagitan ng isang malakas na left hook sa panga at sinundan ng isang right straight sa katawan.

Tinangka pa ng three-division world boxing champion na tumayo ngunit hindi niya nagawang talunin ang bilang ng referee para gawing pormal ang upset win ni Apolinario.

Bago ang world championship win ni Apolinario sunod-sunod ang pagkatalo ng Pinoy boxers sa mga title match kabilang sina Jerwin Ancajas, Nonito Donaire Jr. at Mark Magsayo na nawalan ng kanilang mga world title.

Sa panalo, napanatili ng 23-anyos na si Apolinario, ang kanyang malinis na rekord na 17-0-0 habang itinatala rin ang kanyang ika-12 stoppage na panalo.

Hindi na bago ang pangalan ni Buthelezi sa mga Pilipino dahil ilang Pinoy boxers na ang pinataob nito katulad nina Edrin Dapudong, Ryan Rey Pontreras, Julius Alcos at Ronelle Ferreras.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *