Army commander, nanawagan sa mga natitira pang miyembro ng NPA na sumurender na

SORSOGON CITY – Muling nanawagan ang commander ng 9th Infantry Division na si MajGen Alex Luna sa mga natitira pang miyembro ng News People’s Army na sumurender na at tularan ang ginawa ng kanilang dating kasamahan sa hukbo para sila naman ang mabigyan ng pagkakataon na makapagbagong buhay at makapamuhay ng tahimik at mapayapa kasama ang kanilang pamilya.

Ang pahayag ay kasunod ng pagsurender ng dalawa pang kasapi ng NPA noong Linggo, Setyembre 4 sa 22nd Infantry Battalion na nakabase sa bayan ng Bulan, Sorsogon.

Kasabay ng kanilang pagsurender ay ibinaba din ng mga ito ang kanilang bitbit na dalawang M16 rifles.

Kasabay ng pagsurender ng mga ito ay isinuplong at itinuro naman ng ilang residente sa bayan ng Juban ang ilang gamit pang-giyera ng mga NPA.

Agad na pinuntahan ng tropa ang lugar sa brgy Calmayon at dito nila na nahukay ang tatlo pang M16 rifle at daan-daang bala para sa M14 at M16, mga magazine, isang anti-personnel mine, mga gamit sa komunikasyon, mga kagamitan sa paggawa ng pampasabog at subersibong dokumentos lahat nakalagay sa isang container at nakabaon sa lupa.

Dagdag pa ni MajGen Luna, malaking kabawasan ang pagkasamsam ng mga gamit pang-giyera ng nasabing hukbo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *