Asong nawalay sa amo, naibalik matapos ang 11 taon

Sila ang itinuturing na man’s bestfriend kaya napakahirap para sa kanila at para sa isang dog lover na mawalay sa kanilang mga alagang aso.

Pero alam nyo ba na isang aso sa England ang nakapiling muli ng kanyang amo, 11 taon matapos itong mawalay sa kanila?

Hindi imposible! Hindi akalain ng isang pamilya sa Bournemouth na makakapiling nilang muli ang kanilang Jack Russel terrier na si Crumpet matapos itong bigla na lamang mawala 11 taon na ang nakakalipas.

Ayon kay Sarah Covell, tatlong buwan pa lang si Crumpet nang mawala ito sa kanilang bakuran noong 2010.

Ilang linggo umano nilang hinanap ng kanyang mga anak ang aso pero hindi nila ito natagpuan.

Matapos ang 11 taon, nitong nakaraang buwan lamang nang makatanggap siya ng tawag mula sa emergency vet ng Bournemouth para ipaalam sa kanyang nahanap nila ang kanyang aso.

Sa una ay inisip niya umano na nakatakas ang isa sa kanilang mga terriers pero laking gulat niya nang sabihin ng vet na Crumpet ang pangalan ng aso nang tingnan nila ang microchip nito.

Natagpuan umano si Crumpet na pagala-gala sa Poole Quay at may nagdala nito sa veterinary clinic kung saan isinalang sa scanner ang microchip nito.

Napag-alaman na may mga health problems na ang aso kabilang ang heart murmur at tumor sa magkabilang tenga kung kaya nabingi na ito.

Posible umanong may nagdala kay Crumpet sa vet pero dahil sa mataas na bill ay inabandona rin ito.

Ayon kay Covell, gagawin nila ang lahat upang ma-address ang health issues ni Crumpet lalo pa at maraming taon ang nawala sa kanila na sana ay kapiling nila ito. || Shiela Madrigalejos

Photo Courtesy: doglost.co.uk

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *