Bagong laya, balik-kulungan matapos mag-amok sa Batangas City

Balik kulungan ang kakalaya lamang na lalaki matapos na arestuhin ng mga otoridad dahil sa pag-aamok gamit ang baril sa Barangay Sta. Clara, Batangas City dakong 8:35 kagabi, Hulyo 17, 2023.

Kinilala ng Batangas City Police Station ang suspek na si Jeffrey Perculeza y De Loyola, 33 anyos, dating delivery rider at residente ng naturang barangay.

Sa panayam ng Brigada Batangas, sinabi ng imbestigador na si PCpl. Aries Bien Mauhay ng Batangas CPS, isinumbong sa kanilang himpilan ng mga residente ang suspek dahil sa pag-aamok nito habang hawak ang kalibre 38 na baril.

Batay sa salaysay ng mga residente, lasing umano ang suspek at nanggugulo sa kanilang lugar.

Agad na rumesponde ang SWAT team ng Batangas CPS sa area matapos matanggap ang sumbong.

Tuluyang naaresto ang suspek at narekober mula sa kanya ang kalibre 38 na baril na walang kaukulang mga papeles, tatlong bala at dalawang basyo.

Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Batangas Provincial Forensic Unit para sa gagawing ballistic examination.

Batay din sa imbestigasyon nina Mauhay at PSSg. Richard Morada, ang suspek ay dati na palang nakulong sa kasong Homicide at kakalaya lamang nitong July 13.

Nasa kustodiya na ng Batangas CPS ang suspek at inaasahang mahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act”. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *