Bangkay ng magsasaka na hinihinalang nakidlatan, narekober sa Cauayan City

Narekober ang bangkay ng isang magsasakang hinihinalang natamaan ng kidlat sa Purok 7 Marabulig 2 Cauayan City gabi ng June 7, 2021.

Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa PNP Cauayan City, kinilala ang nasawi na si Romeo Pascua Sr., 65 anyos, may asawa, isang magsasaka na residente sa nasabing lugar.

Batay sa pagsisiyasat ng kapulisan, dakong 4:30 ng hapon kahapon ay nagtungo si Pascua sa kanilang sakahan at hindi na bumalik pa sa kanilang tahanan dahil sa lakas ng pag-ulan.

Dahil dito ay sinundan na umano ng kanyang pamangkin na si Resemito Layos ang kinaroroonan ni Pascua ngunit tumambad na sa kaniya ang sugatang katawan at sunog na buhok ng biktima na pinaniniwalaang tinamaan ng kidlat na nagsanhi ng kaniyang kamatayan.

Kumbinsido naman ang pamilya ng biktima na tinamaan siya ng kidlat at walang nangyaring foul play sa pagkamatay ni Pascua.

Naidala pa ang biktima sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival ng kaniyang attending physician.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *