Bantag, naghukay para sa Yamashita treasure?

Ibinulgar ni Justice Secretary Boying Remulla na hindi swimming pool, kundi Yamashita Treasure ang hinihukay ni suspended Bureau of Corrections director general Gerald Bantag sa New Bilibid Prison.

Sa isang pahayag, sinabi ni Remulla na binanggit umano sa kanya noon ni Bantag na ang nasiwalat na excavation project ay para sa paghahanap ng nawawalang kayamanan.

Nang malaman umano ito ng Kalihim ay pinahinto niya ang operasyon kay Bantag para ‘di na masayang pa ang oras at pera ng gobyerno.

Muling namang iginiit ni Solicitor General Menardo Guevarra na blangko siya sa ginawang excavation project sa loob ng New Bilibid Prison.

Si Guevarra ang Justice Secretary nang umpisahan ang paghuhukay sa naturang tunnel na una nang dinepensahan ni Bantag.

Sa isang pahayag, sinabi ni Guevarra na nalaman lang niya ang proyekto matapos malagdaan ang joint venture agreement sa pagitan ng BuCor at ng ATOM Corporation.

Napag-alaman kasing walang ginastos ang BuCor sa excavation project dahil sa naturang agreement pero kapalit ‘di umano nito ang isang lupa sa Nueva Ecija.

Ayon kay Guevarra, nang malaman niya ang nilalaman ng JVA ay kaagad niyang pinadalhan ng memo si Bantag para ipahinto ang naturang proyekto.

Matatandaang una nang dinepensahan ni Bantag ang excavation project at sinabing pinahukay ito para magsilbing scuba diving pool sa Bilibid.

Gagamitin umano ito para sa pagsasanay ng mga BuCor personnel.

‘No comment si Bantag’

Tumanggi na munang magkumento ang kampo ni Bantag na naghuhukay ito ng kayamaman sa New Bilibid Prison.

Sa isang pahayag, sinabi ng abugado ni Bantag na si Atty. Rocky Balisong na ‘no comment’ na muna sila sa bagong isiniwalat ni Remulla.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Justice spokesperson Atty. Mico Clavano na nakarating na raw sa kaalaman ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang excavation project ni Bantag.

Ayon kay Clavano, isinangguni na raw ni dating Justice secretary at ngayo’y Solicitor General Menardo Guevarra kay dating pangulong Rodrigo Duterte ang isyu.

Aniya, ipinaabot daw ni Guevarra kay Duterte ang memorandum na naglalaman ng joint venture agreement sa pagitan ng BuCor at ng ATOM Corporation.

Dumaan din aniya ang memo kay dating executive secretary Salvador Medialdea.

Mula rito – inirekumenda raw nina Guevarra na ihinto na ang excavation project ni Bantag.

Sinabi naman ni Guevarra sa hiwalay na pahayag na hindi raw niya narinig ang planong treasure hunt nang siya pa ang kalihim ng DOJ.
#

Dagdag na kaso vs Bantag, inaaral ng DOJ

Pag-aaralan ng DOJ ang posibleng pagsasampa ng kaso sa nabunyag na paghuhukay sa loob ng New Bilibid Prison.

Ayon kay Remulla, maituturing na illegal ang ginawang pagpasok ng kasunduan ni Bantag at ng kumpanyang ATOM.

Una nang kinumpirma ni ni Bantag na ang nadiskubreng hukay sa loob ng Bilibid ay para magtayo ng isang scuba diving pool sa pamamagitan ng isang joint venture kasama ang isang pribadong kumpanya.

Subalit iginiit ni Remulla na maituturing na illegal ang pagpasok ng BuCor sa kontrata na hindi sumasangguni sa DOJ at hindi dumaan sa tamang proseso.

Sa huli, sinabi ng DOJ chief na ayaw na niyang patulan ang iba pang mga patutsada ni Bantag sa kanya at pinayuhan na lamang nito ang suspended BuCor official na harapin ang mga kasong ibinabato sa kanya.
#

RELATED STORIES:

Justice Secretary Remulla, itinangging siya ang nag-utos na tirahin ni Lapid si Bantag

Kampo ni suspended BuCor chief Bantag, nanindigang hindi pa ‘served’ ang subpoena

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *