Barangay clustering, isinusulong ng IPHO So.Cot; enforcers ipapakalat para manita sa mga walang facemask

KORONADAL CITY- INIREREKOMENDA ni Provincial Health Officer Dr. Rogelio Aturdido Jr kay Governor Reynaldo Tamayo Jr at sa mga local government units na kung maaari ay ibalik ang clustering sa mga barangay upang malimitahan ang galaw ng mga tao sa gitna ng tumataas na kaso ng COVID 19 sa lalawigan.

Ayon kay Aturdido na ang clustering ay isang paraan upang masugpo ang transmission ng COVID 19 lalo na sa mga pampublikong lugar.

Kaugnay nito, umapela si Aturdido sa mga local chief executives na kung maaari ay ilagay sa mga ilalabas na executive orders ang pagkontrol o paglimita sa movement ng mga residente.

Sa datos ng Integrated Provincial Health Office (IPHO), karamihan sa mga nagpopositibo ngayon sa COVID 19 ay nahawaan sa public places.

Samantala, magtatalaga naman si Governor Reynaldo Tamayo Jr ng mga enforcers sa mga matatao at pampublikong lugar upang manita ng mga hindi sumusunod sa minimum health protocol lalo na ang pagsusuot ng facemask.

Ayon sa gobernador na ang mga hindi gustong magsuot ng facemask ay dapat hindi na lumabas sa kanilang bahay.

Sa pinakahuling tala ng IPHO noong Abril 29, ang South Cotabato ay mayroon ng 324 active cases ng COVID 19.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *