Barangay kagawad, pinagbabaril-patay sa Sto. Tomas, Isabela

Labis ang paghihinagpis ngayon ng pamilya ng isang Barangay Kagawad na pinagbabaril-patay sa Brgy. Barumbung, Sto. Tomas, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa PNP Sto. Tomas, kinilala ang biktima na si Brgy. Kagawad Alejandro Maddawin, 58-anyos, may asawa at residente ng San Jose, Delfin Albano, Isabela.

Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, naganap ang pamamaril noong umaga ng Linggo, May 30, 2021 sa ipinapagawang bahay ng biktima sa Purok 1, Brgy. Barumbung, Sto. Tomas Isabela.

Dumating umano ang dalawang kalalakihan lulan ng motorsiklo at dito pinaputukan ng maraming beses ang biktima nang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Dahil dito ay nagtamo si Maddawin ng tama ng bala sa kaniyang ulo, tagiliran at dibdib na naging sanhi ng kaniyang agarang kamatayan.

Ayon pa sa PNP Sto. Tomas, ang mga suspek ay nakasuot ng itim at fatigue na jacket na parehong nakasuot ng helmet at tumakas sa hindi pa matukoy na direksyon pagkatapos ang krimen.

Samantala, ayon naman kay PMaj. Felix Mendoza, Chief of Police ng PNP Sto. Tomas, mayroon na umano silang sinusundang lead na posibleng motibo sa pamamaril kay Maddawin.

Habang nagpapatuloy ang malalimang imbestigasyon ng mga kapulisan para sa agarang ikadarakip ng mga salarin.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *