Barangay tanod, arestado sa pangingikil sa Batangas City; kasama, nakatakas

BATANGAS CITY – Arestado ang isang barangay tanod habang nakatakas naman ang isa pang kasama nito sa serbisyo sa ikinasang entrapment operation ng mga awtoridad sa isang gasoline station sa Brgy Sta. Rita Karsada, Batangas City.

Kinilala ang naaresto na si Ronnel Balita y Enriquez, 33 anyos habang nakatakas naman si Erlando De Torres, pawang mga barangay tanod ng Brgy. Sta. Rita Karsada nitong lungsod.

Ayon sa imbestigasyon ng Batangas City Police Station, ang dalawang suspek ay inireklamo ng isang 26-anyos na Certified Public Accountant o CPA na itinago lamang sa pangalang ‘Arnold’.

Sa panayam ng Brigada News FM kay Col. Gerry Laylo, hepe ng Batangas CPS, nagsumbong umano ang biktima sa kanilang himpilan na hinihingan siya ng dalawang barangay tanod ng Php30,000 bilang kapalit ng nakumpiska niyang PRC ID.

Inamin ng biktima na nahuli siya ng dalawang suspek na kahalikan ang kanyang nobya sa loob ng kotse noong nakaraang gabi ng Linggo, Mayo 16, sa Lourdes Road, Brgy Bolbok, Batangas City.

Kapalit umano ng naturang halaga ay nangako ang dalawang tanod na hindi ikakalat ang larawan ng biktima na kasama ang nobya at ibabalik ang nakumpiskang ID.

Sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad ay naaresto si Balita habang si De Torres naman ay nakatakbo at patuloy na tinutugis ngayon ng operatiba.

Ayon kay Col. Laylo, mali ang ginawa ng dalawang tanod na kinumpiska ang ID ng biktima.

Ang dapat umano na ginawa ng mga ito ay itinurn-over sa kanilang himpilan kung totoong may bayolasyon ang magpartner.

Nakatakdang sampahan ng kasong Robbery extortion ang nahuling suspek. | Mike Salgado

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *