“Barrier-less” toll booths, planong ipatupad ng NLEX at SLEX sa Nobyembre

Simula sa buwan ng Nobyembre ay dahan-dahan nang ipatutupad sa major expressways ang “barrier-less toll booths” upang bumilis ang daloy ng mga sasakyan.

Ito ang inilatag ng Toll Regulatory Board kasama ang tollway operators ng North Luzon Expressway at South Luzon Expressway sa pulong na ipinatawag ni Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo sa Kamara ngayong araw.

Kasunod ito ng nangyaring “carmageddon” o pagbigat ng trapiko sa NLEX noong Miyerkoles Santo na nagdulot ng napakahabang pila sa toll plazas na naging hudyat ng pagpapatawag ng pulong ni Speaker Martin Romualdez sa mga opisyal ng expressways.

Ayon kay TRB Executive Director Alvin Carullo, tatanggalin na ang harang sa mga toll booths o ang tinatawag na “open road tolling system” upang maibsan na ang pila ng mga sasakyan.

Pero ipinaliwanag ni dating Public Works Secretary Rogelio Singson na para sa phase 1 ay toll booths sa entry points muna ang aalisin at susundan ito ng tollway exits.

Bago ito, sa darating na Hunyo ay ipatutupad na ang “full cashless” o “contactless program” sa mga expressway na nasa kanilang hurisdiksyon.

Pagsapit ng Hulyo ay ikakasa naman ang phase 3 ng interoperability kung saan isang account o wallet at isang RFID na lang ang gagamitin para sa mas maginhawa at epektibong biyahe ng mga motorista.

Samantala, kabilang pa sa napag-usapan ang pagpapalabas ng DPWH ng department order upang magbigay ng “authority” sa NLEX at SLEX na manghuli at mag-issue ng citation ticket sa mga motoristang lalabag sa panuntunan lalo na kapag walang laman o load ang RFID sticker.

Kasabay nito ay maglalagay ng signages ang DPWH sa expressways upang ipaalala sa mga motorista na siguraduhing may load ang RFID dahil kung hindi ay mapapatawan na sila ng parusa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *