Batas na nagbibigay sa Pangulo ng kapangyarihan na suspendihin ang contribution hikes sa SSS, pirmado na

Aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na nagbibigay sa kanya ng kapangyarihan na pigilan ang nakatakdang pagtaas ng Social Security System (SSS) premium contributions ngayong taon.

Sa ilalim ng Republic Act 11548 na kanyang pinirmahan noong Miyerkules, ay magiging epektibo ang pagpigil sa SSS contribution hikes sa buong panahon ng state of calamity dahil sa COVID-19 pandemic.

Aamyendahan ng bagong batas ang RA 11199 o ang Social Security Act na pumapayag sa Social Security Commission, na governing body ng SSS, na mag-implementa ng contribution rate hike.

Base sa RA 11199 ay tataasan ng 1% kada dalawang taon ang kontribusyon ng SSS members simula 2019 hanggang 2025.

Matatandaan noong March 16 ay nilagdaan ng Pangulo ang Proclamation 929 na nagdedeklara ng nationwide state of calamity dahil sa COIVD-19 pandemic.

Dahil diyan ay nalagay ang buong pilipinas sa ilalim ng state of calamity sa loob ng anim na buwan maliban na lang kung kailangan na ito alisin o palawigin.

Inaasahan naman na magiging epektibo ang bagong batas, na naisapubliko noong Huwebes, sa loob ng 15 araw mula sa publication nito sa kahit anong dalawang diyaryo na nasa general circulation.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *