BFAR pinaalalahanan ang mga mangingisdang tumanggap ng fuel discount card na ingatan ito kahit maubos na ang laman

CAMARINES NORTE- Pinaalalahanan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga mangingisdang nakatanggap o makakatanggap pa lang ng fuel discount card na ingatan ito at itago kahit maubos na ang laman.

Ayon kay Provincial Fishery Officer Rolando Tiam dito na kasi ilalagay ang ayuda sakaling mayroong mga sumunod pa para sa mga mangingisda.

Pinayuhan din nito ang mga benepisyaro na huwag agad dumiretso sa gasolinahan para i- avail ang benepisyo dahil 24 oras ang activation matapos na matanggap ang card.

Dito sa Camarines Norte ang Shell at Seoil lang sa Daet ang partner gasoline station ng BFAR.

Pinaalalahanan naman ni Ms. Jehn Francine Boletic, Technical staff ng BFAR Regional Office V  ang mga mangingisdang nakatanggap ng fuel card na isang contact number lang ang gagamitin.

Aniya bago kasi pinoproseso ng USSC, ang accredited bank partner ng Department of Agriculture ay tinatanong muna ang benepisyaryo kung ano ang gamit na contact number.

“Kasi po sa isang number, isang pin code lang po dapat kasi hinihigpitan po nila na dapat yung number na ibibigay ninyo sa kanila is dapat sainyo po, merong mga instances po sa ibang munisipyo, isang number tatlo or lima ang gumagamit, para po makuha niyo yung unique na pin na para sainyo dapat isang contact number lang yung gagamitin.”

Sa kabuuan nasa 1, 268 na mga mangingisda ang benepisyaryo ng fuel subsidy card sa  Camarines Norte.

Sinimulan ang pamamahagi ng fuel discount card sa lalawigan noong Martes Agosto 16, kung saan una itong ginawa sa Paracale na mayroong 58 benepisyaryo at Jose Panganiban na may 265.

Noong Miyerkules ay naipamahagi na rin ang para sa bayan ng Talisay na may 46 benepisyaryo at  Vinzons na may 88 benepisyaryo.

Ngayong araw ay ipapamahagi naman ang para sa nasa 122 rehsitradong mangingisda sa Sta Elena.

Sa Setyembre ang schedule sa Mercedes na may pinakamaraming benepisyaryo na nasa 466.

Wala pang schedule sa Capalonga na mayroon namang 76 na benepisyaryo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *