BFP Siruma, nagbabala kontra grass fire ngayong tag-init

NAGA CITY – Kasunod nang nangyaring grass fire sa Barangay San Ramon, sa bayan ng Siruma sa Partido Area, gabi ng lunes, Pebrero 26, nagbabala ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa mga residente na maglinis ng mga bakuran at sa mga may-ari ng negosyo sa labas na panatilihing walang posibleng pagmulan ng sunog upang maiwasan ito lalo na ngayong tag-init.

Ayon kay SFO2 Ronnie Pacao, ang Chief Operation Officer ng BFP Siruma, bagaman maaring natural nang sanhi ng grass fire ang mainit na panahon, inaabisuhan  ng opisyal ang publiko na iwasan at mag-ingat sa pagtatapon ng mga upos ng sigarilyo o ng kahit ano pa mang pwedeng pagmulan ng apoy.

Sa Partido Area, ang nangyari sa nasabing bayan ang pinakaunang insidente ng sunog para sa buwan ng Pebrero, ilang araw bago ang Fire Prevention Month. Habang sa Camarines Sur, una nang naiulat na tumaas nang husto ang bilang ng mga insidente ng sunog para sa unang dalawang buwan ng taong 2024 kumpara noong 2023.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *