Bicam report sa budget, posibleng hindi raw binasa ng Senado – solon

Duda ang ilang kongresista na walang alam ang mga senador sa isiningit na alokasyon para sa Ayuda para sa Kapos ang Kita o AKAP program sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act.

Sa press conference sa Kamara, pumalag si AKO BICOL Party-list Representative Jil Bongalon sa akusasyon ni Senadora Imee Marcos na gagamitin ang pondo ng AKAP para sa People’s Initiative upang isulong ang Charter Change.

Wala aniya itong katotohanan dahil maganda ang intensyon ng programa kaya hindi dapat bigyan ng pangit na kulay.

Nagtataka rin si Bataan Representative Geraldine Roman kung bakit iniuugnay ang AKAP program sa People’s Initiative gayong regular line item na ito sa national budget ngayong taon na may halagang 26.7 billion pesos.

Katawa-tawa naman para kay House Senior Deputy Speaker Dong Gonzales ang pahayag ni Marcos at ng mga kasamang senador na ikinabigla nila ang pagsulpot ng AKAP sa GAA.

Giit ni Gonzales, inaprubahan ng mga senador ang bicameral conference committee report kung saan nakapaloob ang insertion ng AKAP program.

Nilagdaan pa umano ni Marcos ang bicam report kaya hindi dapat binabatikos ang inaprubahan maliban na lang kung bumoto ang mga senador pabor sa budget nang hindi binabasa.

Bilang patunay ay ipinresinta ng mga kongresista ang dokumentong pirmado na nagsasaad ng amendments to special provisions partikular ang AKAP program na naka-line item.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *