Bicol, hindi umabot sa target na bilang ng mga mababakunahan sa nakaraang SIA – DOH Bicol

LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Department of Health (DOH) Bicol na nag-short ang rehiyon pagdating sa pag-abot ng target na bilang ng mga mababakunahan sa nakaraang Supplemental Immunization Activity (SIA) para sa measles, rubella and oral polio vaccine.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Dra. Desiree Bricenio, Medical Officer 3 ng National Immunization Program ng kaparehong tanggapan, sinabi niya na kinulang ang Bicol ng 10%.

Nasa 95% kasi ang kanilang target sanang mabakunahan, subalit 85% lamang ang naabot nito.

Sa kabila nito, nanguna pa rin ang lalawigan ng Albay sa may pinakamaraming nabakunahan sa SIA sa buong rehiyon.

Kung matatandaan, sa nakalipas na Salud Bicolnon noong nakaraang linggo, inawardan ang Albay bilang top performing sa SIA.

Samantala, ayon kay Bricenio, nahuhuli ang lalawigan ng Camarines Norte at mayroong mababang performance pagdating sa nasabing immunization activity.

Ito marahil aniya ay dahil sa magulang na mayroong pagdadalawang-isip sa mga bakuna lalo na’t para sa kanilang mga anak.

Binigyang-diin ni Bricenio, layunin ng pagsasagawa ng SIA na magbigay ng karagdagang proteksyon sa mga bata mula 0-59 months old laban sa measles, rubella at polio.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *