Biglang pagtaas ng mga kaso ng COVID- 19 sa Camarines Norte iniuugnay sa mga LSI

CAMARINES NORTE- Mistulang nabulaga ang lalawigan ng Camarines Norte matapos makapagtala ng mataas na kaso ng COVID- 19 sa loob lamang ng isang araw.

Nitong huwebes, April 22 ng maitala ang daily record high na 17 new cases sa lalawigan ng Camarines Norte, ang pinakamataas na bilang na naiulat sa loob ng isang araw sa lalawigan mula ng magsimula ang pandemya

Sa panayam ng Brigada News FM Daet ipinaliwanag ni Acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na ang biglang pagtaas ng mga kaso ng COVID- 19 sa lalawigan ay maiuugnay sa mga Locally Stranded Individuals (LSI).

Nang tanungin naman hinggil sa mga bagong variant ng sakit na mas mabilis makahawa, sinabi ni Francisco na posible rin ito pero wala umanong kakayahan ang mga Local Health authorities para malaman ang mga variant.

“Siyempre sa LSI yan, marami na ring umuwi  dito at hindi rin natin maitanggi na talagang mayrong bagong variant, pero yung bagong variant ay wala tayong capability para malaman yung bagong variant na yan sapagkat ang meron lang capability ay ang RITM (Research Institute for Tropical Medicine  at the same time yung sa ating UP PGH,” ani Francisco.

Kaugnay nito umapela si Francisco na siya ring Incident Commander for Health ng Incident Management Team (IMT) sa mga may balak umuwi dito sa lalawigan na huwag na muna ngayon dahil masyado pang delikado.

Ito umano ang dahilan kung bakit nagpalabas ng bagong Executive Order si Governor Edgardo Tallado na pinipigilan ang mga mamamayan galing National Capital Region, Calabarzon at iba pang lugar na may kaparehong quarantine restriction na pumasok sa Camarines Norte.

“Ang apela namin na kung wala naman kayong pangangailangan na umuwi dito sa ating probinsiya o magbisita dito sa ating probinsiya, huwag na pong magpunta po sa loob ng Camarines Norte at huwag na po tayong magdala ng COVID- 19 dito sa ating probinsiya sapagkat di natin nakikita ang virus, kahit sarili po natin,  di natin alam na meron po tayo kasi may tinatawag tayong asymptomatic at symptomatic, kung symptomatic yun po magkakaroon ka ng suspetsa sa sarili mo paano kapag asymptomatic ka at meron ka, at umuwi ka dito sa Camarines Norte.”

Hinimok din nito ang lahat na sundin ang health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, social distancing at palagiang paghuhugas ng kamay.

Humingi rin ito ng paumanhin sa muling paghihigpit dahil ginagawa lang naman umano ng IMT ang lahat para protektahan ang kapakanan ng nakakarami.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *