Bilang ng mga naitatalang kaso ng COVID- 19 sa Camarines Norte patuloy na tumataas, pangangailangang magpabakuna ipinagdiinan ng DOH

CAMARINES NORTE- “Bonggang, bongga”!

Ganito inilarawan ni Department of Health Bicol Assistant Regional Director Dr. Ferchito Avelino ang pagtaas ng mga kaso ng COVID- 19 sa lalawigan ng Camarines Norte.

Ayon sa opisyal, nakakaalarma ang pagtaas na ito lalo’t kung titingnan umano ang datos hanggang nitong Miyerkules, Agosto 17, ay malaki ang itinaas ng mga kaso na naitala sa lalawigan na mayroong 3, 700 percent increase kumpara sa sinusundang araw.

Noong Martes, isa ang panibagong naitala pero nang sumunod na araw ay nakapagtala ng 38.

Kung sakali umanong Omicron variant ito ay “times 7” ang bilang ng mga kaso na kasalukuyang infected.

Sinabi ito ni Avelino sa isinagawang Orientation of Local Chief Executives of Camarines Norte on Universal Health Care nitong Huwebes, Agosto 18 sa isang hotel dito sa Daet.

Kaugnay nito, hinimok ni Avelino ang mga lokal na opisyal na paigtingin pa ang kampanya sa pagbabakuna kontra COVID- 19.

Batay sa datos ng DOH hanggang nitong Agosto 14, 2022 ang Top 5 Performing Municipalities sa pagbabakuna sa A2 Priority Group o senior citizen ay ang San Vicente na mayroong 134. 1 % Daet  108. 9 %, Basud 99. 4 %, Capalonga 96 % at Talisay na may 95 %.

Pagdating naman sa booster shot top 5 Performing Municipalities ang  Daet na may 39. 7 %,  San Vicente 33. 7 %, Talisay 23. 1 %, San Lorenzo Ruiz 21 % at Basud na mayroong 15. 3 %.

Sa kabilang dako, lowest 5 performing Municipalities sa pagbabakuna ng A2 priority group ang Sta Elena na mayroong palang 59. 7 %,  San Lorenzo Ruiz 64. 2 %, Paracale 67. 6 %, Vinzons 67. 9 % at Labo na mayroong 74. 5 %.

Sa booster 1 lowest 5 performing Municipalities ang Paracale na mayroon pa lang 6. 5 %, Labo 7. 7 %, Sta Elena 7. 9 %, Vinzons 10. 8 % at Jose Panganiban na mayroong 12. 2 %.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *