Billing rates sa kuryente na babayaran ngayong buwan bumaba

CAMARINES NORTE- Inihayag ng Camarines Norte Electric Cooperative na bumaba ang billing rates  para sa May 2021 billing na babayaran ng mga kunsyumer ngayong buwan.

Sa isang pahayag sinabi ng CANORECO na ang pagbabang ito ay bunsod ng pagbaba ng Generation Charge ng Php0.4804 per kWh, Transmission Charge ng Php0.0032 per kWh, System Loss Charge ng Php0.0552 per kWh, Lifeline Subsidy at GRAM/ICERA ng Php0.0242 per kWh, at VAT Charges ng Php0.0029 per kWh.

Ang residential rate para sa buwan ng Mayo ay Php9.1443 per kWh na lamang kumpara sa Php9.7102 per kWh noong nakaraang April 2021 billing.

Ang low voltage rate ay Php8.1919 per kWh at ang high voltage rate naman ay Php6.5432per kWh kaya’t nagkaroon ng pagbaba na nasa Php0.5659 per kWh.

Bumaba ang Generation Charge dahil sa mas mababang average rate ng pinagsamang presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM), at sa Aboitiz Power Renewables Inc. (APRI) para sa supply month ng April 2021.

Bumaba rin ang presyo ng kuryente noong mga Sunday at Holiday ng nasabing buwan.

Ang WESM at APRI ang kasalukuyang mga power  supplier ng CANORECO.

Nagbabago kada buwan ang Generation Charge dahil apektado ito ng WESM prices, power plants dispatch, fuel prices, forex rates at seasons kung kailan binili ang kuryente.

Bumaba rin ang Transmission Charge dahil sa mas mababang average transmission rate sa billing ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Ang ilan sa mga components ng billing ay pass-on charges lamang at inireremit ng CANORECO kada buwan sa mga power supplier gaya ng WESM at APRI,

Gayundin NGCP at sa government corporations/agencies gaya ng Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corporation at Bureau of Internal Revenue (BIR).

Sa kabila naman nito, hindi pa rin naalis ang pangamba ng mga konsyumer na tumaas ang kanilang bayarin sa kuryente dahil sa mga nangyaring Manual Load Dropping o rotational brownout bunsod ng manipis na suplay at mataas na demand.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *