Bilyun-bilyong pisong halaga ng unreleased appropriation sa DPWH, nasilip

Dismayado ang ilang mambabatas sa P39-billion na unreleased appropriation at P48-billion na unobligated allotment o mga hindi nagamit at ibinalik na pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong 2021.

Sa isinagawang budget hearing ngayong araw ng House of Representatives para sa 2023 proposed budget ng DPWH, natanong ni Deputy Minority Leader Bernadette Herrera-Dy ang ahensya kung bakit may mga ibinalik silang pondo noong nakaraang taon.

Aniya, masakit at hindi katanggap-tanggap para sa ibang ahensya ang ginawang ito ng DPWH lalo na’t maraming nagkakandarapang mapondohan ang kani-kanilang mga priority projects.

Depensa naman ng DPWH, ang mga nasabing unappropriated at unreleased funds ay para sa mga proyekto na naghihintay pang mailabas ang kanilang Special Allotment Release Order (SARO) kung saan karamihan sa mga protyektong ito ay nabuo pa sa ilalim ng Duterte Administration.

Dahil dito, inatasan ng mga mambabatas ang ahensya na magsumite ng mga kinakailangang dokumento na may kaugnayan sa mga proyektong apektado ng unobligated allotments at unreleased appropriations.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *