Bride sa India, pumanaw sa mismong araw ng kanyang kasal; Kapatid nito, humalili sakanya upang pakasalan ang groom

Uttar Pradesh, India – Hindi na natapos pa ng isang bride sa Uttar Pradesh, India ang seremonya ng kanyang kasal matapos mawalan ng malay sa gitna ng pagsasagawa ng rituwal na kung tawagin ay “jaimala”.

Ayon sa local news media, sinubukan pang i-revive ng doktor ang bride na si Surabhi ngunit ideneklara itong dead on the spot at atake sa puso ang itinurong sanhi ng kanyang kamatayan.

Ngunit imbes na matigil ang kasal, isang mabigat na desisyon ang pinagpasyahan ng bawat panig ng pamilya nila Surabhi at ng groom na si Manjesh. Napagkasunduan ng mga ito na ihalili na lamang kay Surabhi ang kanyang nakababatang kapatid na si Nisha at ito ang magpakasal sa groom ng kanyang ate.

Itinuloy ang seremonya ng kasal sa pagitan nina Nisha at Manjesh habang nahihimlay sa kabilang silid ang labi ni Surabhi.

Ayon sa tiyuhin nina Surabhi na si Ajab Singh, magkahalong emosyon ang kanilang naramdaman dahil sa biglaang pagpanaw ng kanyang pamangkin na si Surabhi at sa saya dahil natuloy pa rin ang kasal dahil sa pagsasakripisyo ng isa pa niyang pamangkin na si Nisha.

Sa bansang India, umiiral pa din ang tradisyon ng “fix marriage” o pagkakasundo ng dalawang pamilya na ikasal ang kanilang mga anak kaya’t hindi na rin nakatanggi si Nisha na humalili sakanyang kapatid sapagkat ito umano ay obligasyon niya para sakanyang pamilya. || JUMEL DELA ROSA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *