Bulkang Mayon, walang indikasyon ng muling pag-alburoto – PHIVOLCS

LEGAZPI CITY – Walang indikasyon ng muling pag-alburoto ang Bulkang Mayon sa lalawigan ng Albay ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Ito ay kasunod ng naitalang phreatic eruption o pagbuga ng makapal na abo sa bulkan bandang alas 4:30 ng hapon noong Linggo, Pebrero 4.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay PHIVOLCS Resident Volcanologist Dr. Paul Alanis, sinabi niya na ang ganitong mga maliliit na pagputok at pagbuga ng abo ay inaasahan gayong kagagaling lang nito sa isang major eruption.

Nakataas pa rin umano sa Alert Level 2 status ang bulkan, kung saan posible pa rin ang mga phreatic eruption.

Gayundin, ayon kay Alanis, wala pa rin itong indikasyon na itataas sa Alert Level 3 ang bulkan.

Dagdag pa niya, matapos ang pagbuga nito ng abo, wala naman nang sumunod na naganap na event o insidente sa Mayon.

Samantala, nagkaroon naman ng minimal ash traces sa bayan ng Camalig dala pa rin ng phreatic eruption kahapon.

Gayunpaman, rekomendasyon ng PHIVOLCS, iwasang pumunta sa 6 kilometers permanent danger zone.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *