Charter Change – wala sa pangunahing “concerns” ng publiko – minorya sa Kamara

Nanindigan ang mga miyembro ng Makabayan Bloc sa Kamara na hindi Charter Change ang sagot sa maraming problemang kinahaharap ng bansa sa kasalukuyan.

Ayon kay House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative France Castro, mismong taumbayan na ang nagsabing hindi ang pag-amiyenda sa Saligang Batas ang pangunahing suliranin na dapat pagtuunan ng pansin.

Batay aniya sa survey ng Pulse Asia ay 45 percent ng Filipino adults ang tutol sa proposals na dapat nang amiyendahan ngayon ang 1987 Constitution habang 41 percent ang kumokontra sa hakbang.

Iginiit ni Castro na kailangang sikapin na isiwalat ang mga masasamang epekto ng Cha-Cha sa ekonomiya at sa pulitika dahil sa isinusulong na mas mahabang term limits at pagbibigay ng kontrol sa mga dayuhan.

Malinaw umano na ang nais ng publiko ay tutukan ng administrasyong Marcos ang mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo, dagdag-sahod at pagtugon sa harassment at ilegal na aktibidad ng China.

Dagdag pa ng kongresista, kahit na ano pa ang porma ng pagbabago sa Konstitusyon ay mananatiling watak-watak ang mga Pilipino pagdating sa isyu.

Sa kaparehong survey ay 14 percent lamang ng mga Pinoy ang bukas sa posibilidad na amiyendahan ang Saligang Batas sa hinaharap.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *