China, maaaring hindi isama sa foreign capital sakaling maaprubahan ang economic Cha-Cha

Ibinunyag ni House Committee on Constitutional Amendments Chairperson at Cagayan De Oro Representative Rufus Rodriguez na maaaring hindi isama ng Kongreso ang China sa mga foreign capital sakaling maaprubahan ang amiyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.

Sa debate para sa Resolution of Both Houses Number 7, sinabi ni Rodriguez na ang katagang “unless otherwise provided by law” na nais isingit sa Charter amendment ay magbibigay ng kapangyarihan sa Kongreso na baguhin ang foreign investment limitations na nangangahulugang hindi lahat ay tatanggapin.

Maaari aniyang maglagay ang lehislatura ng screening process sa enabling law upang maharangan ang mga bansang “risky investors” o may sigalot sa Pilipinas para sa pambansang interes at seguridad.

Inihalimbawa ng kongresista ang China na nagiging mas agresibo ang mga hakbang dahil sa isyu sa West Philippine Sea.

Mayroon umanong legislation para dito ang Estados Unidos at United Kingdom.

Una nang nagbabala ang mga miyembro ng Makabayan Bloc na posibleng makontrol ng China ang electricity generation at transmission ng Pilpinas kung bubuksan ang full ownership sa mga dayuhan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *