Cong. GMA at Rep. Ungab, tanggap ang desisyong patalsikin bilang deputy speaker

“Move on na”.

Ito ang reaksiyon ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo matapos siyang patalsikin ng Kamara bilang Deputy Speaker.

Sa isang statement, binigyang-diin ni Arroyo na kahit kailan ay wala siyang planong habulin o sulutin ang posisyon ng House Speaker dahil suportado niya ang liderato ni Congressman Martin Romualdez.

Sa katunayan, nang mabalitaan na si Romualdez ang napipisil na maging Speaker ay sumulat pa umano si Arroyo kay Pangulong Bongbong Marcos upang ipahayag na susuportahan niya ang pinsan nito.

Wala na aniya siyang planong pangarapin ang maging Speaker muli maging sa hinaharap.

Nagpaliwanag din ang dating pangulo na nasa ibang bansa siya kaya hindi niya napirmahan ang resolusyon na nagpapahayag ng suporta kay Romualdez at pagtitiyak na ipagtatanggol ang integridad at reputasyon ng institusyon.

Punto nito, sadyang mababaw ang laro ng pulitika kaya wala na siyang magagawa kung nakumbinse si Romualdez na may plano si Arroyo na pabagsakin ang liderato.

Maluwag din umanong tatanggapin ni Davao City Third District Representative Isidro Ungab ang desisyon ng liderato ng Kamara na patalsikin siya bilang Deputy Speaker.

Ayon kay Ungab, matagal na siya sa Kongreso kaya kabisado na niya ang kalakaran at pakikitungo sa bawat miyembro.

Sa kabila ng pagkakatanggal sa puwesto ay nananatili aniya ang kanyang suporta sa mga programa ng administrasyong Marcos tulad ng paniniwala nang tumulong ito sa kampanya noong nakaraang taon sa pag-asang bubuti ang buhay ng mga Pilipino.

Inihayag din ni Ungab na wala siyang sama ng loob at malugod na tinatanggap ang kapalaran kasabay ng paggiit na ginawa niya nang mahusay ang tungkulin at may mabuting intensyon.

Nagpasalamat naman ang kongresista sa lahat ng nagsilbing daan upang maging makabuluhan at hindi malilimot ang pagiging Deputy Speaker.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *