COVID-19 beds sa Philippine General Hospital, 90% nang okupado

Nasa siyamnapung porsyento nang okupado ang mga kama na nakalaan para sa mga pasyenteng may covid-19 sa Philippine General Hospital (PGH).

Ito ay sa harap ng pagtaas ng covid-19 patient admission sa ospital kasabay nang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng covid-19 sa bansa.

Ayon kay PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario, ‘overwhelmed’ na rin sa kasalukuyan ang kanilang emergency room dahil sa dami ng mga nagtutungong mga pasyente.

Sa ngayon aniya, nasa tatlong daan at labing dalawang mga covid-19 patients na ang admitted sa PGH.

Ito na aniya ang pinakamataas na bilang ng mga na-admit na pasyenteng may covid-19 sa ospital mula pa noong nagkaroon ng Delta surge.

Kaugnay nito, sinabi ni Dr. Del Rosario na sa nasabing bilang ng mga pasyenteng may covid-19 sa naturang ospital, animnapu’t limang porsyento dito ay pawang mild to moderate lamang habang ang nalalabing porsyento ay severe to critical cases.

Samantala, sinabi pa ni Del Rosario na pinabibilis na rin nila ang kanilang triage system kung saan mas marami pang kama ang kanilang inaasahang mailalaan sa mga pasyenteng may covid-19.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *