COVID-19 patient sa lungsod ng Legazpi, inireklamo ng panggagahasa ang kapwa COVID patient sa loob mismo ng quarantine facility

BICOL—Hustisya ang sigaw ngayon ng isang COVID patient sa lungsod ng Legazpi na umano’y nabiktima ng panggagahasa ng kapuwa COVID patient sa loob mismo ng quarantine facility partikular sa Ibalong Center for Recreation.

Sa isang panayam, ikwenento ng kapatid ng biktima na nakiusap na huwag nang ibunyag ang kanyang pagkaka kilanlan ang sinapit ng kanyang babaeng kapatid sa loob ng quarantine facility.

Salaysay nito, habang naghihintay ng sundo ang kanyang kapatid papaalis sa quarantine facility dahil natapos na nito ang kanyang quarantine period ay may ilan umanong grupo ng kalalakihan na positibo rin sa sakit ang nag-iinuman sa loob ng pasilidad. Inaya ng mga ito ang biktima na tumagay hanggang sa malasing at nang nagpaalam umano ito na gagamit ng banyo upang umihi ay saka ito sinundan ng suspek at doon na naganap ang panghahalay.

Samantala, ayon naman sa eksklusibong panayam ng Brigada News FM-Legazpi sa isang mapagkakatiwalaang source, batay aniya sa kanilang inisyal na imbestigasyon, ay kapuwa nasa impluwensya ng alak ang biktima at suspek nang mangyari ang insidente. Napag-alaman rin na kinukursunuda ng suspek ang biktima buhat nang pumasok ito sa quarantine facility.

Samantala, aminado naman ang source na  kulang na kulang na ang support staff sa loob ng quarantine facility kaya’t hindi na gaanong namomo-monitor ang galaw ng patuloy pang dumaraming bilang ng mga nagpopositibo sa sakit at ipinapasok sa pasilidad. Idagdag pa aniya ang ilang pasaway na mga kamag-anak ng mga ito na kung minsan ay nagpupuslit ng alak at iba pang ipinagbabawal na gamit sa loob.

Sa ngayon ay wala pang pahayag ang LGU hinggil dito ngunit nagpatawag na ng pagpupulong ang alkalde kaugnay  ng insidente habang naitaas na sa piskalya ang kaso at nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil dito.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *