‘COVID-19 vaccine ng Johnson & Johnson, gagamitin para sa Pinoy seafarers’

Nakatakdang gamitin ng pamahalaan para sa mga Filipino seafarers ang bakuna kontra covid-19 na gawa ng Johnson and Johnson.

Ito ang inihayag ni National Task Force Against Covid-19 chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. kasabay ng panawagan ng mga seafarer at ng pamunuan ng Maritime Industry Authority na iturok sa mga seaman ang tinatawag na “one shot vaccine”.

Ayon kay Sec. Galvez, nakita nilang pinaka-convenient para sa mga seafarers ang nasabing bakuna lalo na aniya at laging biglaan ang pagpapatawag sa mga seaman at pagsampa ng mga ito sa barko.

Kaugnay nito, tinatayang nasa dalawampu hanggang tatlumpong libong mga seaman ang lumalabas ng bansa kada buwan.

Mababatid na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos kay Sec. Galvez na iprayoridad ang mga Pinoy seafarers sa covid-19 vaccination program ng pamahalaan.

Sa ngayon ay kabilang na rin sa A1 category ang mga OFW katulad ng mga seafarers kaya kabilang na sila sa mga nakatatanggap na ng bakuna sa ngayon.

Gayunpaman, hindi pa available sa kasalukuyan sa bansa ang Johnson and Johnson covid-19 vaccine. // CLAY MARQUEZ

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *