Criminal liability sa mga opisyal ng SRA sinisilip din ng Malacañang

Kinumpirma ni Press Secretary Trixie-Cruz Angeles na kabilang sa mga sinisilip nila ay kung may pananagutang kriminal ang mga opisyal ng Sugar Regulatory Administration na sangkot sa pagbalangkas ng ‘illegal resolution’ para makapag-import ng asukal gayung wala naman itong basbas mula sa Pangulo.

Sa isang panayam sinabi ni Angeles na bagama’t nakatutok ang imbestigasyon ngayon sa administrative aspect, hindi rin nila isinasantabi na posibleng may mga criminal liability ang mga taong sangkot.

Subalit nilinaw naman ng kalihim na kailangan munang tapusin ang fact finding sa kaso at kung may makitang matibay na ebidensiya na may kriminal na pananagutan ang mga taong kanilang iniimbestigahan ay agad itong ihahabla sa ombudsman.

Hindi naman isinasantabi ni Angeles ang posibilidad na may matisod pang mga maanomalyang transaksiyon habang gumugulong ang imbestigasyon ‘illegal resolution’ sa pag-aangkat ng asukal.

Tiniyak naman ng kalihim na mananagot ang mga sangkot at iba pang opisyal kung mapapatunayang mayroong anomalya kahit sa mga naunang sugar importation.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *