DA region 2, puspusan ang information campaign kaugnay sa bird flu

Puspusan ngayon ang ginagawang information campaign ng Department of Agriculture Regional Field Office 2 may kaugnayan sa Avian Influenza H5N1 sa mga alagang hayop sa lambak ng Cagayan.

Ito ang inihayag ni Dr. Roberto Busania, Regional Technical Director for Operations ng DA Region 2, sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan.

Ito aniya ay upang malaman ng publiko kung anong klaseng sakit, mga sintomas at kung paano maiiwasan ang Avian Influenza.

Maliban dito ay tuloy-tuloy na rin aniya ang kanilang monitoring and surveillance kung saan kumukuha sila ng swab samples sa mga hayop at dinadala sa laboratory para masuri sa pamamagitan ng RTPCR test.

Pinapayuhan din aniya nila ang poultry raisers na sundin ang biosecurity meassure at iwasang magpapasok ng ibang tao sa kanilang farm.

Ayon pa sa kaniya, dapat iwasan ang pag-hunting ng mga ibon o migratory birds na posibleng makapagdala ng sakit na bird flu.

Sinabi pa ni Dr. Busania na pinapaigting na nila ang mga checkpoint upang matiyak na ligtas at hindi iligal ang mga pumapasok na karne ng manok sa rehiyon.

Binigyang-diin din nito na dapat maging vigilante ang mga tao at agad na ireport sa mga Municipal Agriculture Office at Veterinary Office kung may mga insidente ng pagkamatay ng mga hayop sa farm o kapit-bahay upang makapaglatag ng kaukulang hakbang ang kanilang tanggapan.

Photo/CTTO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *