Da Region 2, umaasang maipapamahagi na ang mga sentinel pigs sa huling linggo ng Hunyo

Umaasa ang Department of Agriculture Region 2 na maipapamahagi na sa mga hog raisers na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) ang mga testing pigs para sa swine repopulation sa Lambak ng Cagayan.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay DA Region 2 Regional Director Narciso Edillo, sinabi niya na susubukan nilang makiusap sa Regional Inter-Agency Task Force (RIATF) na bigyan sila ng exemption matapos muling palawigin ang MECQ sa Tuguegarao City.

Aniya, dahil sa muling pagpapalawig ng MECQ sa lunsod ay limitado na naman ang kanilang paggalaw at ilan din aniya sa mga supplier ay may takot ding lumabas.

Sinabi pa ni RD Edillo na hindi pa sila nakakapag-umpisa at inaasahang makakapamahagi na sila ng mga sentinel pigs sa huling linggo ngayong Hunyo.

Aniya, dalawa ang kanilang swine repopulation kung saan mauuna ang mga “scare hog raiser” o ang mga maagang nagbenta ng kanilang alagang baboy dahil sa takot na makapitan ng ASF kahit sa murang halaga.

Mayroon aniyang inilaang pondo para rito ng 20 milyong piso mula sa quick response fund.

Habang ang mga magsasaka na isinailalim sa culling ang kanilang mga alagang baboy ay saklaw ng P75M fund na inilaan ng DA.

Aminado siyang kulang ito para sa malaking bilang ng mga naapektuhan ng ASF sa lambak kaya naman malaking tulong aniya ang swine R3 program na inilunsad ng DA at DBP kamakailan bagaman sa pamamagitan ng pautang na zero interest.

Kaugnay nito ay hinikayat niya ang mga backyard at commercial hog raisers na mag-apply para sa naturang programa at muling makapag-umpisa sa pag-aalaga ng baboy sa oras na maideklara na ang ASF free sa kanilang mga lokalidad.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *