Dalawang araw na tigil-pasada ng PISTON – umarangkada na

‘Jeepney phase out, ibasura’

‘Yan ang panawagan ng grupong PISTON sa kanilang isinasagawang kilos-protesta ngayong araw sa punong tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang ipabatid ang kanilang pagtutol sa PUV Modernization Program ng pamahalaan.

Ayon kay PISTON national president Mody Floranda, ang naturang programa ang papatay sa kabuhayan ng libo-libong mga tsuper at konduktor sa bansa.

Aniya, dapat masusing pag-aralan ito ng gobyerno kaya naman nananawagan sila kay Pangulong Bongbong Marcos na ibasura na ang programa.

Kaugnay nito, hinamon naman ni Floranda si LTFRB Chairman Teofilo Guadiz na babain sila at pirmahan ang resoluyson na kanilang inihain upang maging katunayan na sila ay pabor sa rehabilitasyon hindi sa monopolyo ng transportasyon.

Samantala, kung ‘di pa rin sila diringgin ng gobyerno, ay hindi raw sila magdadalawang-isip na sundan pang muli ang kilos-protesta hanggang sa susunod na taon.

DOTR priority lanes

Magbubukas ang lahat ng tanggapan ng LTFRB at Land Transportation Office o LTO sa buong bansa ng priority lane para sa lahat ng mga hahabol sa application for consolidation, at para tugunan din ang kanilang mga pangangailangan.

Ilan sa mga kinakailangang isumiteng dokumento ay latest LTO official receipt at certificate of registration o ang OR/CR, SEC certificate of registration/Certification o CDA registration o di kaya’y OTC Certification para sa kooperatiba.

Kailangan din na mayrong affidavit of conformity na nagsasaad na pumapayag ang individual operator na isama sa cooperatiba ang kanyang prangkisa at unit.

LTO, may panawagan

Iginiit ni LTO chief Atty. Vigor Mendoza na tila hindi talaga maintindihan o ayaw talagang intindihin ng ilang mga transport group ang PUV Modernization Program.

Ayon kay Mendoza, subukan naman sana nilang makipag-usap sa ahensya hinggil sa programa.

Paliwanag pa nito, hindi naman kailangan bumili kaagad-agad ng bagong pampasadang sasakyan.

Tutulungan din umano ng consolidation ang mga apektadong drivers para magkatrabaho at makapag-operate bilang isang grupo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *