Dalawang estudyante — natagpuang patay sa loob ng isang paaralan sa Taguig

Dalawang babaeng mag-aaral ang natagpuang patay sa loob ng isang opisina ng Signal Village National High School (SVNHS) sa Taguig.

Isang report umano ang natanggap ng Taguig police kung saan sinasabing dalawang katawan ng estudyanteng babae ang natagpuang walang buhay bandang 11 ng gabi kahapon, sa loob ng Girls Scout Mini Office, sa ikatlong palapag ng Magsaysay Building ng naturang paaralan.

Bago makita ang kalagayan ng dalawang babae, napag-alaman sa isang Messenger group na hindi umuwi ang mga ito.

Dahil dito ay patuloy ang panawagan ng pinsan ng isa sa mga biktima sa mga guro at kaibigan ng dalawang mag-aaral na magsalita na at isiwalat ang katotohanan.

Tinitiyak ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang suporta sa mga nagdadalamhating pamilya habang inuuwa nila ang hindi maipaliwanag na kasawian ng dalawang estudyante.

Sa ngayon, inatasan na ni Mayor Lani Cayetano ang mga awtoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon na magbibigay liwanag sa mga pangyayari.

Humiling naman ang Taguig LGU sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga impormasyong hindi berepikado na maaring makaapekto sa mga naiwang pamilya.

Naki-isa ang Council for the Welfare of Children (CWC) sa pakikiramay sa pamilya ng mga nasawing estudyante.

Sa kabila nito, ikinabahala ng CWC ang pagkamatay ng mga biktima sa loob ng gusali.

Inaanyayahan din ng grupo na magtulong-tulong ang gobyerno, kamag-aral, at nang buong kumonidad sa pagaruga ngkapakanan ng kabataan at pagsuporta sa kanilang panganailangan tungo sa kanilang ganap na pag-unlad.

Nakiisa rin ang CWC sa punong lungsod ng Taguig at Department of Education (DepED) sa layuning maimbestigahan nang mas mabilis ang trahedya.

NO FOUL PLAY

Wala naman nakitang foul play ang Taguig City Police Station at Scene of the Crime Operatives o SOCO sa pagkamatay ng dalawang high school students.

Batay ito sa kanilang inisyal na imbestigasyon matapos madiskubre ang katawan ng mga biktima.

Ayon kay Taguig police chief Col. Robert Baesa, tinanggap na umano ng pamilya ng dalawang estudyante ang paliwanag ng pulisya na walang foul play sa kanilang pagkamatay.

Dahil dito, patuloy na hinihimok ng pulisya ang publiko na iwasan ang mga espekulasyon, na maaring magpalala sa sitwasyon ng mga naulilang pamilya.

Siniguro naman ng PNP-Taguig na magiging mabusisi at mabilis ang imbestigasyon nito sa kaso.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *