Dalawang mangingisda sugatan nang aksidente umanong makalabit ng isang miyembro ng Governor’s Special Action Group ang gatilyo ng baril habang nasa kalagitnaan ng anti- illegal fishing operation sa Capalonga

CAMARINES NORTE- Sugatan ang dalawang mangingisda nang aksidente umanong makalabit ng isang miyembro ng  Governor’s Special Action Group (GSAG) ang gatilyo ng baril nito habang nagsasagawa ng anti- illegal fishing operation sa Sitio Puktol, Brgy. Del Pilar, Capalonga, Camarines Norte.

Nangyari ito dakong alas alas-4:00 ng hapon nitong Lunes, Setyembre 5, 2022 pero nailabas ng PNP ang report nito lang Huwebes, September 8.

Ayon sa ulat ng Camarines Norte Police Provincial Office naglunsad ng anti- illegal fishing operation ang pinagsanib na pwersa ng GSAG at mga tauhan ng Philippine Army na nagresulta sa pagkaka aresto sa siyam na mangingisda na nahuli umano sa akto na nagsasagawa ng iligal na pangingisda.

Ang mga nahuling mangingisda ay kinilala lang sa mga alyas  na Joe, may ari ng bangka,  Jordan, piloto ng bangka at ang mga crew na sina alyas Romy, Clar, Jun, Jovy, Emil, Don at Nong, pawang mga residente ng Brgy. San Lorenzo, Sta. Elena, Camarines Norte.

Batay umano sa salaysay ng mga tauhan ng GSAG at ng Philippine Army, habang dinadakip nila ang  nasabing mga personahe, isa sa mga tripulante ng nahuling bangka ang pumutol sa lubid ng lambat gamit ang itak.

Aksidente man o sinadya, bigla umanong pinaandar ng piloto ang makina ng bangka kaya umusad ito dahilan para, nawalan ng balanse ang operating team kung saan ang isa sa kanilang miyembro ay aksidenteng nakalabit ang gatilyo ng kanyang service firearm at natamaan ang mga crew na sina alyas Romy, 41 at alyas Clar, 20 taong gulang.

Dinala sa Virgin Mary Hospital sa Sta. Elena, Camarines Norte ang dalawang sugatan mangingisda na kalaunan ay inilipat sa Camarines Norte Provincial Hospital.

Nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang hita at gasgas sa kaliwang kamay si alyas Romy habang kaunting sugat naman sa kaliwang bisig ang natamo ni alyas Clar na nakalabas din ng ospital kinaumagahan.

Ang iba namang naarestong personahe ay nasa kostudiya ng mga miyembro ng GSAG para sa kaukulang disposisyon.

Kinumpiska ng mga awtoridad ang bangkang ginamit sa pangingisda at ang humigit kumulang isang daang kilo ng sari- saring huling isda na ikinustodiya rin ng GSAG.

Ayon pa sa police report, nitong Miyerkules, ay napagdesisyunan ng dalawang sugatang mangingisda na gumawa ng kasunduan at affidavit of disinterestedness sa nangyaring insidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *