Dating alkalde ng Mexico, Pampanga, posibleng maharap sa contempt charge ng Kamara

Posibleng maharap sa contempt charge ng Kamara ang dating alkalde ng Mexico, Pampanga matapos umanong isiwalat ang mga natalakay sa executive session sa ginawang imbestigasyon ukol sa nasabat na bilyun-bilyong pisong halaga ng droga sa lalawigan.

Ayon kay House Dangerous Drugs Committee Chairman Robert Ace Barbers, napag-usapan sa closed-door session ang mga sirkumstansya sa pagkakadiskubre ng 560 kilos ng shabu at operational details na dapat ay confidential at walang isyu ng pulitika.

Iimbitahan aniya sa susunod na pagdinig ng House panel ang dating mayor na si Teddy Tumang upang ipabatid kung kanino nito nakuha ang impormasyon hinggil sa mga natalakay sa executive session.

Batay sa House rules, sa mga inquiry in aid of legislation ay mahigpit na ipinagbabawal ang pagsasapubliko ng mga detalye sa executive session at maaaring maparusahan ang magbubunyag nito.

Sa nangyaring pagdinig noong October 9 ay nagsagawa ng closed-door session ang komite upang malayang maihayag ng Philippine Drug Enforcement Agency at National Bureau of Investigation sa mga kongresista ang detalye sa pagpasok sa bansa ng malaking shabu shipment sa bayan ng Mexico.

Bukod kay Tumang, naimbitahan sa susunod na pagdinig ang businessman na si Willy Ong na siyang may-ari ng warehouse kung saan nasabat ang kilo-kilo ng shabu at aide ng alkalde na si Roy Gomez na sinasabing nangasiwa sa permit ng bodega.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *